Tiniyak ng United Nations food agency ang pagtuloy na pagprayoridad at pagpopondo sa mga flagship program ng Pilipinas tulad ng school meals at food voucher program sa gitna ng walang katiyakan dulot ng pag-freeze o pagtigil ng US foreign aid.
Ginawa ni World Food Program Regional Director for Asia and the Pacific Samir Wanmali ang pagtitiyak sa kaniyang pakikipagpulong kay Philippine Ambassador Neal Imperial sa sidelines ng First Regular Session ng WFP Executive Board.
Dito, sinabi ni Wanmali sa PH envoy na ang P7 billion na pondo ng WFP para sa school meals at food stamp program ay minimal lang na maapektuhan ng paghinto ng US funding at kaya aniya itong mapunan ng ibang donors.
Nangangahulugan na patuloy pa rin na mabebenipisyuhan ang libu-libong mga batang Pilipino at kanilang mga pamilya mula sa programa ngayong taon at sa mga susunod pang taon.
Maliban pa sa pagsuporta sa naturang mga programa, tiniyak din ni Wanmali na ipagpapatuloy ng WFP ang pagsuporta sa emergency preparedness at response initiatives ng Pilipinas.
Ang WFP ay isang nangungunang humanitarian organization sa UN na tumutulong sa 80 milyong katao sa 80 mga bansa sa pamamagitan ng paghahatid ng mga food assistance sa emergency situation at nakikipagtulungan sa mga komunidad para sa pagpapabuti ng nutrisyon at maging matatag.