Umaasa ang Pilipinas na maging isa sa unang mga bansa na makapag-ratipika bago matapos ang 2024 sa UN treaty na po-protekta sa high seas.
Sa sideline ng 2024 Asia-Pacific Ministerial Conference on Disaster Risk Reduction (APMCDRR), sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Marshall Louis Alferez na kasalukuyan na silang nakikipag-tulungan sa Senado para makumpleto ang kinakailangang mga procedure para sa ratipikasyon nito.
Sa kasalukuyan, mayroon ng 13 bansa ang party o kabilang sa naturang treaty mula sa 104 member states na lumagda sa dokumento.
Layunin ng naturang kasunduan na magsilbi bilang isang framework na magpapahintulot sa pagtatatag ng marine protected areas (MPAs) at mga mekanismo para mapangalagaan ang mga tirahan at species sa high seas at international seabed area.
Nauna ng pinagtibay ang High Seas Treaty sa pamamagitan ng kasunduan noong June 2023 at magiging epektibo matapos ang 60 ratipikasyon.