Dinepensahan ng ilang mambabatas ang pagtanggap ng United Nations sa resolusyong inihain ng Iceland na sisilip sa mga kaso ng extrajudicial killings at sitwasyon ng human rights sa bansa.
Pinayuhan ni Sen. Kiko Pangilinan ang administrasyon na tigilan na ang pananakot at pagbabanta sa UN, at hayaan na lang ang mga imbestigador nito na gawin ang kanilang trabaho.
Pinuri rin nito ang atensyong ibinigay ng international community na kumikilala sa mga biktima ng madugong kampanya ng gobyerno kontra iligal na droga.
Hinimok naman ni Sen. Risa Hontiveros ang palasyo na maging bukas lalo na kung wala naman itong itinatago sa publiko.
“Sa kabila ng hindi pagtanggap ng Malacañang ay sana maging bukas sila bilang miyembro pa rin naman tayo sa United Nations last time I checked. Bigyang daan po natin ang imbestigasyon at kahit makinig lamang sa rekomendasyon,” ayon sa senadora.
“Very symbolic na Iceland ang naghain ng resolution kasi sila ay isa sa may tamang approach sa problematic drug use,” wika pa ni Hontiveros. “Dapat hindi law enforcement lang ang sagot natin sa drugs problem. Public health approach.”
Habang para kay Kabataan Cong. Sarah Elago malaking bagay ang desisyon ng UN dahil tiyak umanong may mapapanagot na sa pagtatapos ng gagawing pagsusuri.
“The resolution is a positive development in holding the Duterte administration accountable under its human rights treaty obligations, and in the search for justice for tens of thousands of victims of the bloody war on drugs, and victims of political persecution,” ani Elago.
Una nang pumalag si Foreign Affairs Sec. Teddyboy Locsin Jr. at iginiit na walang sapat na basehan ang Iceland sa paratang nito.
Pareho rin ang sentimyento ng Malacanang.
“The resolution is grotesquely one-sided, outrageously narrow, and maliciously partisan. It reeks of nauseating politics completely devoid of respect for the sovereignty of our country, even as it is bereft of the gruesome realities of the drug menace in the country,” ani Presidential spokesperson Salvador Panelo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inamin ni Commission on Human Rights (CHR) spokesperson Jacqueline de Guia na maaari pa ring ituloy ng UN ang imbestigasyon sa bansa sakaling harangin ng gobyerno ang pagpasok ng mga eksperto nito sa teritoryo ng Pilipinas.
“Kung hindi naman magiging matagumpay ang mission (ng UNHRC) sa bansa; kasi maaaring hindi i-grant ang visa’s nila, pwedeng magkaroon ng stable investigation or table report. (Kung saan) hihingi sila ng mga report mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.”