Kinundena ng United Nations (UN) ang panibagong ambush na ginawa ng mga miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF), ikinasawi ng dalawang sundalo, at ikinasugat ng 12 iba pa.
Sa isang statement na inilabas ni UN Philippines Resident Coordinator Gustavo Gonzalez, nakasaad dito ang matinding pagkundena ng UN sa ginawang pananambang.
Inihayag din ng UN ang pakikisimpatya nito sa pamilya ng dalawang nasawing sundalo.
Maalalang sa nangyaring pananambang ay nagsisilbing escort ang mga sundalo sa UN Development Programme (UNDP) team na magsasagawa sana ng isang community engagement sa Barangay Lower Cabengbeng sa Sumisip, Basilan.
Sa kabila nito, tiniyak naman ni Gonzalez na mananatili pa rin ang UN sa paghahatid ng tulong sa mga komyunidad sa Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Ayon kay Gonzales, patuloy ang pagsuporta ng UN sa peacebuilding effort na ginagawa ng national, regiona, at local authorities para sa BARMM.
Malaki na aniya ang nagawang progreso para rito at kailangang maipagpatuloy ito para sa kapakanan ng mga komyunidad at mga residente.
Matapos ang pananambang, ligtas naman ang mga personnel ng UN na bahagi ng convoy. Ayon sa UN official, ito ang unang pagkakataon na may mangyaring pananambang na kinauugnayan ng UN team mula nang sinimulan ang mahaba-habang peace process.