-- Advertisements --

Tiniyak ng United Nations ang nakahandang pondo para sa mga magsasaka at mangingisdang maaapektuhan sa pananalasa ng Super Typhoon Pepito.

Kahapon (Nov. 16) ay in-activate na ng United Nations – Food and Agriculture Organization (FAO) ang Anticipatory Action (AA) mechanism nito sa Catanduanes at Northern Samar.

Ang AA ay isa sa mga modernong sistema na ginagamit ng UN sa pagtugon sa mga kalamidad at mapalakas ang mga residenteng direktang maaapektuhan ng mga kalamidad.

Ayon sa UN, mayroong pondong nakalaan para tulungan ang mga mangingisda at magsasakang maaapektuhan sa pananalasa ng bagyo.

Kinabibilangan ito ng 2,813 magsasaka at mangingisda mula sa probinsya ng Catanduanes (Gigmoto, Pandan, Baras, Bato, San Miguel, San Andres, at Virac) at 3,610 magsasaka at mangingisda mula sa Northern Samar.

Ang bawat benepisyaryo ay inaasahang makakatanggap ng tig-P3,300 cash.

Ang pondo na nagmula sa German Federal Foreign Office ay idinaan sa FAO Special Fund for Emergency and Rehabilitation Activities (SFERA).

Ilan sa mga ikinokonsiderang salik kapag ina-activate ang AA ay kapag umaabot sa 89kph ang lakas ng bagyo, may mataas na banta ng landslide at pagbaha, at nakataas ang Red Alert level sa loob ng 200km diameter mula sa sentro ng bagyo. Kabilang din dito ang posibilidad na maapektuhan ang hanggang 15% ng kabuuang populasyon.

Sa loob ng isang linggo ay dalawang beses nang inactivate ng UN ang AA, una ay noong nanalasa ang bagyong Nika nitong araw ng Lunes (Nov. 11) sa probinsya ng Isabela. Kabuuang 963 farmers ang nakinabang noon.