-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Masayang ibinahagi ng Albay Public Safety and Emergency Management Office ang naging mabungang pakikipag-pulong nito sa ilang mga opisyal ng United Nations.

Ayon kay Albay Public Safety and Emergency Management Office head Dr. Cedric Daep sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi na interesado ang Assistant Secretary General ng United Nations for El Niño crisis management na malaman at i-adapt ang ilang mga programa ng lalawigan sa paharap sa naturang phenomenon.

Nabatid na hiningi ng naturang opisyal ang bagong criteria ng lalawigan sa pagpapatupad ng mga hakdang sa tuwing maitatala ang mataas na heat index.

Kasama rin sa virtual meeting ang isang mataas na opisyal ng United Nations Development Program na naging interesado sa pamamahala ng Albay sa disaster risk management.

Maliban pa dito ay napag-usapan rin ang pagpapanatili ng zero casualty tuwing nagkakaroon ng mga kalamidad sa lalawigan.

Samantala, nangako naman umano ang naturang mga opisyal na personal na bibisita sa lalawigan ng Albay upang mas maunawaan ang mga programa nito.