-- Advertisements --

Nanawagan si United Nations (UN) High Commissioner for Human Rights Michelle Bachelet na palayain na ang nasa 45 katao na ikinulong sa Myanmar matapos magsagawa ng kudeta ang militar ng bansa.

“I remind the military leadership that Myanmar is bound by international human rights law, including to respect the right to peaceful assembly, and to refrain from using unnecessary or excessive force,” saad ni Bachelet sa isang pahayag.

Nitong Lunes nang agawin ng militar ang kapangyarihan mula kay State Counsellor Aung San Suu Kyi.

Kasamang nakulong ni Suu Kyi ang iba pang mga pinuno ng kanilang partido na National League for Democracy (NLD).

Una na ring nanawagan si President Win Myint sa mamamayan ng Myanmar na huwag gumawa ng kaguluhan at umakto base sa batas na umiiral sa bansa.

Ang Nobel Peace Prize winner na si Suu Kyi ay naupo sa pwesto noong 2015 sa pamamagitan ng landslide election na sinundan naman ng halos ilang dekadang house arrest dahil sa pakikipaglaban nito sa demokrasya.

Dahil sa kaniyang pinaglalaban ay naging international icon ito at nagsilbi pang bayani ng Myanmar.

Subalit tila nasira ang magandang international standing ni Suu Kyi makaraang libo-libong Rohingya ang tumakas mula sa army operations upang magtago sa Bangladesh noong 2017.

Inakusahan si Suu Kyi ng kaniyang mga dating tagasuporta dahil sa pananahimik umano nito sa kabi-kabilang human rights violation na naranasan ng Rohingya.

Wala umano itong ginawa upang matigil ang panggagahasa, pagpatay at genocide dahil hindi nito kinondena ang ginawa ng mga militar. (Reuters)