Hinikayat ngayon ng United Nations (UN) ang mga world leaders na magdeklara na ng “climate emergency” sa kani-kanilang mga bansa upang masimulan ang aksyon sa paglaban sa mapaminsalang global warming.
Pahayag ito ni UN Secretary-General Antonio Guterres sa kanyang talumpati kasabay ng ikalimang taong anibersaryo ng 2015 Paris Agreement.
Ayon kay Guterres, tila hindi umano sapat ang mga umiiral nang commitments sa buong mundo para malimitahan ang pagtaas ng temperatura.
“Can anybody still deny that we are facing a dramatic emergency?” wika ni Guterres. “That is why today, I call on all leaders worldwide to declare a State of Climate Emergency in their countries until carbon neutrality is reached.”
Binatikos din nito ang mayayamang mga bansa sa paggastos sa 50% ng kanilang pondo para sa COVID-19 pandemic sa fossil fuel kaysa sa low-carbon energy.
“So far, the members of the G20 are spending 50% more in their stimulus and rescue packages on sectors linked to fossil fuel production and consumption, than on low-carbon energy,” ani Guterres.
“This is unacceptable. The trillions of dollars needed for COVID recovery is money that we are borrowing from future generations,” dagdag nito. “We cannot use these resources to lock in policies that burden future generations with a mountain of debt on a broken planet.”
Sa kasalukuyan, nasa 38 bansa pa lamang ang nagdeklara ng climate emergency kaya hinimok ni Guterres ang iba pang mga lider na gayahin ito.
Kaugnay nito, kapwa nangako ang China at India na kanilang sisikaping mapababa ang carbon pollution sa kani-kanilang bansa.
Sinabi ni Chinese President Xi Jinping na palalakasin nila ang kapasidad ng kanilang wind and solar power ng hanggang 1,200 gigawatts sa susunod na dekalda.
Sa panig naman ni Prime Minister Narendra Modi, paiigtingin nila ang paggamit ng malinis na pagkukunan ng enerhiya at “on target” aniya sila na makamit ang itinakdang emmissions norms sa ilalim ng 2015 Paris agreement. (AFP/ Reuters)