GENEVA – Inumpisahan na ng United Nations (UN) ang paglilikas sa mga refugees na nasa Libya patungo sa katabi nitong bansang Niger.
Kasunod pa rin ito ng nangyayaring kaguluhan sa Libyan capital na Tripoli dalawang linggo na ang nakalilipas.
Sa datos mula sa UN refugee agency, nasa 163 na ang kanilang mga nailikas ngunit nasa 3,000 indibidwal pa ang nananatiling nasa mga detention centers.
“Given the situation in Libya, humanitarian evacuations are a lifeline for detained refugees whose lives are in jeopardy in Libya,” pahayag ni UN refugee chief Filippo Grandi.
Ang nasabing operasyon ay isinagawa dahil sa patuloy na bakbakan sa pagitan ng mga puwersang tapat kay Libyan National Army head Khalifa Haftar at ng mga nasa panig ng Government of National Accord (GNA).
Nasa 200 katao na ang namatay sa nasabing sagupaan, at nag-iwan ng mahigit 900 sugatan, base sa World Health Organization.
Ayon naman sa International Organization for Migration, mahigit sa 25,000 ang napaalis sa kanilang mga tirahan dahil sa kaguluhan. (AFP/CNA)