Hinikayat ng gobyerno ng Pilipinas si United Nations Special Rapporteur Dr. Ian Fry na magsagawa ng tapat na dayalogo kasama ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) matapos na inirekomenda nito na buwagin na ang kontrobersyal na task force.
Ginawa ng UN special rapporteur ang naturang pahayag sa isang press conference matapos ang kaniyang 10 araw na misyon sa Pilipinas na nag umpisa noong Nobyembre 6.
Dito ibinunyag ng UN special rapporteur na nakipagkita siya sa civil organizations sa bansa at ipinaalam sa kanya kung paano sila trinato kayat nagbunsod ito sa opisyal na ipanukala ang pagbuwag sa task force dahil malinaw aniyang nag ooperate ang task force ng labas sa orihinal na mandato nito at ang red-tagging sa mga mamamayan sa komunidad at sa mga katutubong indibidwal at ang pribadong pinansyal na interes ang nagudyok sa ELCAC para gawin ito.
Inirekomenda din ni fry na bumuo ng kapalit ng task force na nagooperate aniya ng may impunity.
Dagdag pa ng UN official na napag-alaman din nito na may mga kaso ng torture, extrajudicial killings at pagkawala ng mga indibidwal na hindi aniya katanggap-tanggap at tila wala umanong kontrol ang pamahalaan sa military organizations nito.
Matatandaan na inorganisa ang NTF-ELCAC sa ilalim ng dating Duterte administration bilang bahagi ng kampanya ng pamahalaan na mapahusay ang mga programa sa paglaban ng insurhensiya sa ating bansa.