Nakatakda raw makipagpulong si United Nations (UN) special rapporteur on the sale and sexual exploitation of children Mama Fatima Singhateh kay Department of Justice Secretary Jesus Crispin “Boying” Remulla sa susunod na linggo.
Ayon kay DoJ Spokesperson Asec. Mico Clavano, bibisita raw si Singhateh sa kanilang opisina sa Miyerkues, Disyembre 7 kasunod na rin ng imbistasyon ni Remulla.
Layon daw ng pakikipagpulong ni Secretary Remulla kay Singhateh ay para ipaabot ang kanyang pasasalamat sa UN representative dahil sa pagbisita ng mga ito dito sa Pilipinas.
Maliban dito, sasagutin din umano ni Remulla ang ilang katanugan mula sa rapporteur matapos ang kanyang pagbisita sa iba’t ibang local government units sa bansa.
Dagdag ng Justice spokesperson na nais daw ni Remulla na bigyan si Singhateh ng “macro perspective” kaugnay ng online sexual abuse and exploitation of children situation.
Ipapaliwanag din umano ni Remulla ang papel ng national government sa hakbang na wakasan ang criminal activities sa bansa na kinasasangkutan ng mga menor de edad.
Ang pagbisita ni Singhateh ay ang unang pagbisita ng UN special rapporteur sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at ito ulit ang muling pagbisita ng rapportuer makalipas ang pitong taon.
Kung maalala, noong 2016, kinansela ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang naka-schedule na pagbisita ng dating UN special rapporteur on extra-judicial, summary or arbitrary executions Agnes Callamard sa bansa noong 2017 matapos ang public word war dahil sa libo-libong namatay na may kaugnayan sa madugong drug war ng dating administrasyon.