Naglunsad ang United Nations ng donation drive sa hangaring makalikom ng kabuuang $275 million o mas higit pa bilang tulong sa mga biktima ng magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar.
Ayon sa UN, ang malilikom na pondo ay magagamit para matulungan ang mga mamamayang labis na naapektuhan sa malawakang pagyanig, kung saan marami sa kanila ay dumaranas ng iba’t-ibang sakit, kagutuman, at walang matirhang bahay.
Una nang tinaya ng UN na kailangang makalikom ng hanggang $1.1 billion na pondo, batay sa inisyal na humanitarian aid plan para sa tinatayang 5.5 million katao na naapektuhan.
Gayunpaman, hanggang limang porsyento pa lamang umano nito ang nabibigyan ng pondo.
Dahil sa lalo pang lumulubong pangangailangan ng mga biktima ng pagyanig, sinabi ng UN na kailangan pa ng karagdagang resources bilang tulong.
Magsisilbing pokus sa bagong inisyatiba ang 1.1 million ‘vulnerable people’ sa Myanmar na karamihan ay mga bata at mga babae na umano’y nahaharap sa gender-based violence, food insecurity at kakulangan ng akmang access para sa reproductive health.
Sa kasalukuyan, mayroong 6.3 million katao sa Myanmar ang nangangailangan ng dagdag na tulong na posibleng tataas pa habang nagpapatuloy ang mahirap na sitwasyon ng mga biktima.
Matatandaan, Marso-28 noong tumama ang naturang lindol na kumitil sa buhay ng mahigit 3,600 katao habang maraming iba pa ang patuloy na pinaghahanap.