Nakatakdang maglabas ng desisyon ang United Nation top court kaugnay sa panawagan para itigil na ang military operations ng Israel sa Gaza.
Kung saan maaaring mag-isyu ang International Court of Justice (ICJ) ng emergency measures na nag-uutos sa Israel na ihinto ang military operations nito sa nasabing teritoryo.
Sa sesyon ng ICJ ngayong araw ng Biyernes, kabilang sa tinalakay ang kaso na inihain ng South Africa na nagpaparatang sa Israel na nakagawa umano ng genocide sa Gaza sa gitna ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan nila ng Hamas subalit una ng mariing itinanggi ito ng Israel.
Sa pagbalangkas ng ruling ngayong Biyernes, kailangang masagot ng 17 hukom na kinabibilangan ng 15 permanent justices at tig-isa mula sa Israel at South Africa ang 2 katanungan.
Una, kung nasunod ba ng South Africa ang basic test para ipakita na ang alegasyon nito laban sa Israel ay maaaring tugunan sa ilalim ng UN 1948 Genocide Convention kung saan kapwa signatories ang dalawang bansa.
Ikalawa, kung mayroong totoong panganib para sa mga mamamayang Palestino sa Gaza kapag nagpatuloy ang military operations sa Gaza.
Bagamat mayroon lamang kapangyarihan ang ICJ na mag-isyu ng advisory opinions at ang kanilang ruling ay legally binding, hindi ito maipapatupad ng korte at kung ang ruling ngayong araw ay hindi pabor sa Israel, posibleng ito ay balewalain lamang.
Subalit maaari itong makadagdag sa political pressure sa Israel para kumilos na magkaroon ng ceasefire o tigil putukan at magpapaigting pa ng pressure sa pinakamalalakas na international allies ng Israel na gawin ang kanilang makakaya nang patago para makahanap ng solusyon at matiyak ang humanitarian assistance para sa mga nangangailangan nito tulad ng mga biktima ng giyera.
Sa kasalukuyang datos mula sa Health Ministry na pinapatakbo ng Hamas sa Gaza, nasa mahigit 25,000 Palestino na ang napatay na karamihan ay kababaihan at bata habang libu-libong katao naman ang nasugatan mula ng simulan ng Israel ang kanilang opensiba na na-trigger dahil sa sorpresang pag-atake ng Hamas sa katimugang bahagi ng Israel noong Oktubre 7 na ikinasawi ng 1,300 katao, karamihan ay mga inosenteng sibilyan at dinukot ang nasa 250 katao patungo sa Gaza.