CAUAYAN CITY – Sisimulan na sa Sabado ang Una ka dito Caravan, City Hall on Wheels sa Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Public Order and Safety Division (POSD) Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na ang programang ito ay ilalapit ng pamahalaang lunsod sa lahat ng programa sa bawat barangay ng Lunsod.
Magsisimula sila sa July 15 o sa araw ng Sabado sa tatlong barangay kabilang ang Brgy. Naganacan, Nungnungan at Pinoma.
Aniya, ang programang ito ay isasagawa tuwing Sabado at magtatagal ng tatlong buwan hanggang sa matapos ang lahat ng barangay.
Bawat ahensya ng pamahalaang lunsod ay magpapaabot ng tulong sa mga mamamayan ng Cauayan.
Isa sa mga programa ng pamahalaang lunsod ang programang isasagawa ng POSD na information drive sa pamamagitan ng seminar tungkol sa batas trapiko, at application ng drivers license.
Dagdag ginhawa rin sa mga mamamayan ng Lunsod ang mas murang babayaran para sa mga permits dahil kabilang din ang City Treasury Office sa magbibigay serbisyo sa City Hall on wheels.