-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Walang ano mang magarbong selebrasyon sa unang anibersaryo ng Boracay reopening ngayong araw.

Sa kabila nito, ipinagmalaki ni Boracay Inter-Agency Rehabilitation and Management Group (BIARMG) general manager Natividad Berdandino na umaabot na sa P45 bilyon ang tourism receipts ng isla simula Enero hanggang Setyembre ng kasalukuyang taon.

Ito umano ay nagmula sa mga ginastos ng mga bumisita sa isla na karamihan ay mga dayuhan na sinundan ng overseas Filipinos at mga lokal na turista.

Ayon kay Berdandino, simula na binuksan ang isla pagkatapos ng anim na buwang rehabilitasyon ay lalo pang bumuhos ang mga bakasyunista.

Inaasahan umano ng Boracay Inter-Agency Task Force na madagdagan pa ang kita ng Boracay ngayong 2019 dahil sa natitirang tatlong buwan, kung saan, ang Nobyembre at Disyembre ay maituturing na peak season.

Patuloy naman ang kanilang pagpapaalala sa mga turista na magpa-book muna sa mga compliant hotels at resorts bago bumili ng kanilang plane tickets.

Sa ngayon ay nasa 380 accredited establishments na ang ipinalabas na listahan ng Department of Tourism (DoT) na naka-comply sa mga requirements na itinakda ng task force.