-- Advertisements --

Makakaranas ng maulang panahon ngayong unang araw ng taong 2024 dahil sa epekto ng 3 weather system sa ilang parte ng ating bansa.

Kung saan makakaapekto ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa dakong Visayas, Mindanao at Palawan habang ang shear line naman ang makakaapekto sa eastern section ng Northern at Central Luzon at Hanging Amihan naman ay iiral sa nalalabing bahagi ng Northern Luzon.

Maulap na papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat ang mararanasan sa Visayas, Caraga, Davao region, Palawan, Romblon Catanduanes, Albay, Sorsogon at Masbate kung saan may posibilidad na mangyari ang mga pagbaha o pagguho ng lupa dahil sa katamtaman hanggang sa mabibigat na pag-ulan.

Maulap ding kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms ang mararanasan sa Metro Manila, CALABARZON, Cagayan, Isabela, Quirino, Apayao, Aurora, Bulacan, Marinduque, Oriental Mindoro, Camarines Norte at Camarines Sur, ito ay bunsod ng shear line na may posibilidad ng flash floods o landslides dahil sa katamtaman hanggang sa paminsan-minsang mabibigat na pag-ulan.

Sa northernmost part naman ng PH na Batanes, maulap na kalangitan na may mga pag-ulan ang mararanasan dahil sa Hanging Amihan na may posibilidad ng pagbaha o landslides dahil sa moderate hanggang sa paminsan-minsang mabibigat na pag-ulan.

Makakaranas naman ng bahagyang maulap hanggang maulap na papawirin ang Ilocos region, ang nalalabing parte ng Cordillera Administrative Region (CAR) at Nueva Vizcaya na may isolated light rains dahil sa Amihan subalit wala itong gaanong magiging epekto.

Ang nalalabing bahagi naman ng bansa ay makakaranas ng light to moderate wind speed na kumikilos sa silangan patungong hilagang-silangang direksiyon.