CENTRAL MINDANAO- Maayos, organisado, at nasusunod ang minimum health standards. Ito ang sinabi ni Department of Education 12 Curriculum Learning and Management Division Chief Gilbert Barrera kaugnay ng unang araw ng limited face to face classes ng Paco National High School.
Si Barrera ang ipinadala ng DepEd 12 upang pangunahan ang ocular inspection at monitoring ng mga guro at estudyante mula sa pagpasok ng mga ito sa gate ng naturang paaralan hanggang sa pag-pasok ng mga mag-aaral sa classroom.
“Natutuwa ako na ibahagi ang magandang simula ng face to face classes ng Paco National High School kung saan bawat-isa ay nakikipagtulungan upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng paaralan”, sinabi ni Barrera.
Abot sa 111 na mga Grade 11 at 68 na mga Grade 12 o Junior at Senior High School ang papasok sa face-to-face classes at limitado lamang hanggang 20 ang mag-aaral sa bawat classroom.
Hinati rin ng mabuti ang kanilang mga schedules upang matiyak na hindi overcrowded at madaling ma -control ang bilang ng mga mag-aaral sa oras ng klase.
Binigyang-diin ng opisyal ang kahalagahan ng 8-week learning period mula Nov. 15, 2021 hanggang Jan. 30, 2022 kung saan magiging basehan ito ng tuluyang pagbabalik ng face to face classes sa susunod na school year. “Dito natin malalaman kung maaari na bang bumalik ang lahat ng mga mag-aaral sa mga paaralan kaya’t todo ang ating pag-iingat at ang paghingi ng ibayong suporta mula sa mga magulang at iba pang sector”, dagdag pa ni Barrera.
Tiniyak rin daw ng pamunuan ng Paco National High School sa pangunguna ng School Principal nito na si Arturo Gimenez, ang proteksiyon ng buong paaralan. Ito ay sa pamamagitan ng pagsunod sa mga itinakdang health protocols tulad ng hand washing, pagkuha ng body temperature, disinfection, physical distancing at lalo na ang paggamit ng face mask at face shield at ang pag-lalagay ng isolation o holding area sakaling may magpakita ng sintomas ng Covid-19.
Maliban rito ay bakunado na umano lahat ng mga teachers na magtuturo sa Paco NHS habang patuloy naman ang vaccination sa hanay ng mga mag-aaral sa ilalim ng Pediatric Group o mga batang 12-17 years old.
Pinasalamatan din ni Barrera si Kidapawan City Mayor Joseph A. Evangelista sa pagbibigay ng P600,000 sa Paco NHS na mula sa Special Education Fund o SEF ng lungsod. Malaking tulong raw ito sa pagpapatuloy ng face to face classes ng paaralan lalo na sa mga dagdag na pasilidad at iba pang pangangailangan.
Maliban naman kay Barrera, dumalo din sa monitoring ng unang araw ng klase si DepEd 12 Regional Education Program Supervisor Peter Van, Ang-Ug, Kidapawan City SDS Dr. Natividad Ocon, City ASDS Melrose B. Peralta, City School Governance and Operations Division Head Remegio B.Peralta.