Mataas ang posibilidad na mamuo bilang kauna-unahang bagyo ngayong 2024 ang low pressure area (LPA) sa silangang bahagi ng Mindanao bukas, Mayo 24 ayon sa state weather bureau.
Ayon kay weather specialist Ana Clauren-Jorda, maaaring mabuo ang LPA bilang tropical depression na tatawaging “Aghon”.
Inaasahan na kikilos pahilagang kanluran ang naturang weather disturbance hanggang sa Sabado saka nito tatahakin ang pahilagang silangang direksiyon sa araw ng Linggo, Mayo 26.
Bagamat hindi inaasahan na mag-landfall ang bagyo, tinatayang kikilos ito malapit sa Bicol Region-Eastern Visayas area sa araw ng Sabado.
Gayundin, bagamat inaasahang mananatili sa offshore ang bagyo subalit malapit sa Luzon-Eastern Visayas landmass, ang kasalukuyang tinatahak nito ay maaaring magbago dahil sa malawak na sirkulasyon nito.
Pinag-iingat din ang publiko sa posibleng pagtataas ng tropical cyclone wind signals sa ilang parte ng bansa partikular na sa Bicol region at Eastern Visayas sa inisyal na ilalabas na tropical cyclone bulletin bukas.
Ang trough naman o extension ng LPA ay maaaring makakaapekto sa northeastern part ng Mindanao na magdadala ng manaka-naka hanggang sa katamtaman at minsan ay malakas na ulan sa Surigao del Norte, Surigao del Sur at sa Dinagat islands.
Bukas, inaasahan na ang mga pag-ulan bunsod ng posibleng bagyo ay magiging katamtaman hanggang sa malakas sa Eastern Samar at Northern Samar habang light to moderate naman ang iiral sa Bicol Region, nalalabing bahagi ng Caraga at ilang parte ng Eastern Visayas.
kayat pinag-iingat ang mga residente sa nasabing mga lugar na manatiling alerto sa posibleng mga baha at pagguho ng lupa.
Una rito, kaninang alas-5 ng umaga pumasok ang LPA sa Philippine area of responsibility na namataang nasa 870 kilometers ng silangang bahago ng southeastern Mindanao bandang alas-10 ng umaga.