-- Advertisements --

Umalis na patungong South Korea ang unang batch ng Filipino seasonal workers kahapon, Pebrero 29 ayon sa Department of Migrant Workers.

Kabuuang 39 na seasonal farm workers mula sa mga bayan ng Apalit, Lubao at Magalang sa Pampanga ang dineploy patungong South Korea sa ilalim ng seasonal workers program (SWP) ng mga lokal na pamahalaan ng Pilipinas sa South Korea.

Sa ilalim ng naturang programa, pinapayagan ang short-term employment ng foreign agricultural workers para matugunan ang kakulangan sa mga manggagawa tuwing peak planting at harvesting season sa naturang bansa.

Base sa datos noong December 2023, mayroong 3,353 Filipino seasonal workers sa SoKor.

Matatandaan na noong Enero, nagpatupad ang DMW ng moratorium sa deployment ng seasonal workers kasunod ng mga reklamo mula sa mga manggagawang Pilipino.

Para matugunan ang mga reklamo, una ng sinabi ng ahensiya na magiisyu ito ng permanenteng panuntunan para sa deployment ng mga Pilipinong seasonal workers na sasaklaw sa kanilang proteksiyon, patas na pagtrato , disenteng oras ng pagtratrabaho at sahod, access sa hustisiya at monitoring at pagbabawal sa labis na singil sa fees mula sa mga manggagawa.

Paalala din ng DMW sa mga Pilipino na ang aplikasyon sa naturang programa ay libre at pinayuhan ang mga ito na ireport ang mga indibdiwal na naniningil ng recruitment fees.