Sinimulan na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang voluntary evacuation sa mga manggagawang Pilipino mula sa Tripoli, Libya kasunod ng dalawang linggo ng kaguluhan.
Batay sa inilabas na statement ng DFA ngayong araw, kabilang sa unang batch ng mga Pilipinong inilikas ay tatlong hospital workers at apat na estudiyante.
Inihayag ng DFA na inilikas ng embahada ng Pilipinas ang mga nasabing kababayan sa Tunisia bago sila iuwi pabalik ng bansa.
Sinagot naman ng DFA repatriation cost ng apat na estudiyante sa isang Islamic school sa Tripoli habang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang nagbayad sa airfare ng tatlong empleyado ng Ali Omar Ashkar Hospital na nasa labas ng Tripoli.
Sa kabila naman ng paulit-ulit na apela ng gobyerno para umalis na, maraming Pilipino pa rin sa Libya ang ayaw lisanin ang kanilang mga trabaho sa kabila ng malawakang karahasan dahil sa kawalan umano ng mapagkakakitaan sa Pilipinas.
Tiniyak naman ng DFA patuloy nilang ipatupad ang voluntary repatriation at tinawagan na rin nila ang mga kamag-anak ng mga Pilipinong nasa Libya para kumbinsihin nila ang kanilang mga mahal sa buhay na umuwi na sa Pilipinas dahil walang indikasyong matitigil ang karahasan at giyera sa nasabing bansa.