Nakarating na sa Myanmar ang unang batch ng Philippine Inter-agency Humanitarian Contingent para tumulong sa mga nasalanta ng magnitude 7.7 na lindol.
Base sa Office of the Civil Defense, nitong hapon ng Martes, Abril 1, lumapag ang dalawang C-130 planes na kinalululanan ng medical, search and rescue team ng Pilipinas sa may Naypyidaw Airport sa Myanmar matapos mag-refuel sa Phitsanulok Airport sa Thailand.
Una na ngang bumiyahe mula sa Villamor Air Base sa Pasay city ang unang batch ng Philippine contingent na binubuo ng 58 personnel kaninang alas-4 ng umaga para sa dalawang linggong deployment sa Myanmar.
Ang natitirang 33 miyembro ay nakatakda namang bumiyahe bukas, Abril 2 sakay ng isang C-130 aircraft, ayon sa Philippine Air Force (PAF).
Kasama sa ipinadalang contingent ng Pilipinas ay ang urban search and rescue teams mula sa Philippine Army, Philippine Air Force, Bureau of Fire Protection, Metropolitan Manila Development Authority, Department of Environment and Natural Resources at private sector.
Gayundin, ang medical assistance team mula sa Department of Health-Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) Visayas at Office of the Civil Defense coordinators. Kabilang din ang 40 PAF personnel.
Sa pinakahuling ulat, lagpas na sa 2,000 ang nasawi sa tumamang malakas na lindol habang mahigit 3,000 ang naitalang nasugatan at 270 ang patuloy na pinaghahanap, kung saan may 4 na Pilipinong nananatiling unaccounted.
Bitbit ng grupo ang mahahalagang kagamitan para sa search and rescue operations at medical supplies.