Pinayagan ng makapasok sa Gaza ang unang convoy ng 20 humanitarian aid trucks nitong araw ng Sabado sa gitna ng nagpapatuloy na giyera sa pagitan ng Israel forces at militanteng Hamas na nasa Gaza.
Ang mga mamamayan naman na nasa Egyptian side ng border ay nagbubunyi matapos na saglit na binuksan ang Rafah crossing. Bagamat agad namang isinara ang Rafah crossing matapos na makatawid ang 20 trucks sa papasok ng Gaza.
Ang 20 truck na ito ay mula sa Egyptian Red Crescent ayon sa tagapagsalita ng United Nations Secretary-General.
Ayon naman sa Hamas, naglalaman ang 20 trucks ng mga gamot, medical supplies at limitadong suplay ng mga de lata.
Inaasahan namang papayagang makatawid sa border crossing ang aid trucks ng UN papasok ng Gaza sa araw ng Lunes.