-- Advertisements --

Sumunod na ang Australia sa pinakabagong bansa na binigyan na ng “go signal” ang paggamit ng bakuna kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19) sa mga bata roon na limang taong gulang hanggang 11-anyos.

Ayon kay Health Minister Greg Hun, mayroon nang provisional approval mula sa medical regulators ang Pfizer-BioNTech vaccine para iturok sa unang pagkakataon sa mga bata ng nabanggit na edad.

Bago ang Australia, maaari na ring bakunahan ang mga batang limang taong gulang hanggang 11-anyos ang nasa European Union, Amerika, Israel at Canada.

“It is recommended for children right across Australia. It is about keeping our kids safe, keeping our families safe, keeping all Australians safe,” ani Hunt.

Inaasahang sa January 10, 2022 sisimulan ang COVID-19 vaccine rollout para sa tinatayang 2.3 million na bata sa Australia.

Samantala sa Pilipinas, target na rin ng pamahalaan na simulan ang COVID-19 vaccination sa kaparehong edad sa unang bahagi ng 2022.

Ayon sa vaccine czar na si Carlito Galvez Jr., hinihintay na lang ang emergency use approval ng Food and Drug Administration na inaasahang bago matapos ang Disyembre.

“We want to finish that immediately sa 1st quarter. Ang aming plano is yung pediatric vaccination should be finished immediately so that ‘yung ating opening ng classes ay magsimula na at maprotektahan natin ‘yung ating children because of the Omicron. We don’t know yet the possibilities, ‘yung vulnerabilities ng mga children with this variant,” saad ni Galvez sa CNN Philippines.