VIGAN CITY – Nakapagtala na ang Ilocos Sur ng unang fatality sa Covid19 matapos na maideklara sa lalawigan ang pagiging Covid19 free nito dahil sa halos tatlong buwang walang naitalang kaso.
Ang biktima ay isang 73-anyos na lalaki na taga Farola, Tagudin na na-admit sa Ilocos Sur Provincial Hospital-Tagudin noong October 26 dahil inatake ito sa puso at dati na umano itong may ibang karamdaman.
May travel history ang biktima sa San Fernando, La Union, may matinding exposure sa mga high risk area ngunit limitado lamang ang mga nakahalubilo nito.
Makakalabas na sana umano ang biktima nang sumapit ang ikaapat na araw nitong pananatili sa ospital ngunit hindi natuloy dahil nilagnat ito kaya naman ay naisailalim sa RT-PCR test at napag-alamang positibo sa Covid19 at noong October 30 naman sa oras ng alas nuebe ng gabi ay binawian na ng buhay ang pasyente.
Maliban diyan, may tatlo pang bagong kasong naitala ang lalawigan na pare-parehong naka-isolate sa Provincial Isolation Facility.