-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Kinumpirma ng Department of Health-Center for Health and Development (DOH-CHD) Caraga ang report mula sa Epidemiology Bureau ang unang kumpirmadong COVID-19 Delta variant case.

Ito ay batay na rin sa whole genome sequencing (WGS) na ginawa ng University of the Philippines – Philippine Genome Center (UP-PGC).

Ang unang Delta case sa rehiyon ay isang 26-anyos na babaeng hindi pa nabakunahan at may travel history sa National Capital Region (NCR) noong Hulyo 10 na umuwi ng Caraga.

Bago ang kanyang biyahe ay sumailalim muna ang nasabing kaso sa mandatory RT-PCR test noong Agosto 2 kung saan nagpositibo siya pagkalipas ng tatlong araw.

Sa ngayon hindi nagpapakita ng kahit na anumang sintomas ng coronavirus ang naturang kaso na naka-quarantine na at isinailalim na rin sa repeat RT-PCR test kung saan negatibo ang resulta.

Natumbok na rin ang kanyang mga first-generation close contacts na gaya sa kanya ay naka-quarantine na at isinailalim sa swab para sa RT-PCR test, kung saan silang lahat ay parehong negatibo ang resulta.

Sa ngayo’y nagsagawa na ng aktibong case finding ang DOH CHD- Caraga upang kaagad na ma-detect at ma-isolate ang mga COVID-19 cases.

Ayon kay regional director Dr. Cesar Cassion, mariin ang kanilang pakikipag-ugnayan sa Regional Epidemiology and Surveillance Unit (RESU) upang ma-monitor ang sitwasyon nitong rehiyon lalo na’t palaging andyan ang banta ng Delta variant at iba pang mga variants of concern.

Minamadali na rin nila ang vaccination program lalo na para sa pinaka-vulnerable na populasyon.

Patuloy rin ang kanilang babala at apela sa publiko na gawin ang kanilang parte sa paglaban sa COVID-19 sa pamamagitan ng pagsunod palagi sa mga health protocols, isolation measures at pag-avail sa mga COVID-19 vaccines na ibibigay sa kanila.