Inilunsad ng Israeli military ang unang ground offensive sa Gaza simula ng malabag o masira ang ceasefire deal sa pagitan ng Israel at militanteng Hamas.
Dito, bahagyang nabawi o nakubkob ng Israel ang isang key area sa Gaza.
Nagsimula ang naturang operasyon isang araw matapos muling ipagpatuloy ng Israel ang pambobomba sa Gaza.
Inakusahan kasi ng Israel ang Hamas ng paulit-ulit na pagtanggi sa pagpapalaya sa mga bihag at pagtutol sa mga alok ng mediators.
Sa panig naman ng Hamas, inakusahan nito si Prime Minister Benjamin Netanyahu ng pagpapaigting pa ng digmaan at paglalagay sa mga bihag sa panganib nang walang tiyak na kapalaran.
Una rito, nitong Miyerkules, kinumpirma ng Israeli Defense Forces na sinimulan ng kanilang tropa ang targeted ground activities sa central at southern Gaza strip upang mapalawig pa ang security zone at para makalikha ng partial buffer sa pagitan ng northern at southern Gaza.
Bilang parte ng kanilang ground offensive, pinalawak pa ng mga tropa ng Israel ang kanilang kontrol sa sentro ng Netzarim Corridor.
Base sa datos ng Gaza Health Ministry simula ng sumiklab ang giyera hanggang sa kasalukuyan, umakyat na sa halos 50,000 Palestino ang napatay na karamihan ay mga kababaihan at mga bata.