Umarangkada na ang pagboto ng nasa 17 milyong kwalipikadong voters mula sa 22 milyong mamamayan ng Sri Lanka ngayong Sabado para sa pag-halal ng ika-10 Pangulo ng naturang bansa.
Ito ang kauna-unahang halalan mula nang mangyari ang pinakamalalang krisis sa ekonomiya ng bansa noong 2022 na nagpatalsik kay dating President Gotabaya Rajapaksa.
Muling tatangkain ni incumbent President Ranil Wickremesinghe, na pumalit kay Rajapaksa, na manalo sa pagkapangulo.
Susubukan naman ng kaniyang mga karibal na kandidato na sina Anura Kumara Dissanayake mula sa Janatha Vimukthi Peramuna (JVP) party at Sajith Premadasa ng Samagi Jana Balawegaya (SJB) party na makuha ang posisyon.
Nagsimula ang botohan sa 13,134 polling stations ng bansa kaninang 7am oras sa Sri Lanka o 9am (PH time) ngayong Sabado. Nagsara naman ang botohan dakong 4pm (Sri Lanka time) o 6pm (PH time). Inaasahan na magsisimula ang pagbibilang ng mga boto bandang 9:30pm (Sri Lanka time) o 11:30pm PH time.
Ang halalan ngayong taon sa Sri Lanka ay itinuturing bilang referendum para ireporma ang ekonomiya para muli itong makabangon mula sa nagdaang krisis.
Samantala, ang mananalong Pangulo ng Sri Lanka ay manunungkulan sa loob ng 5 taon at mayroong limit na dalawang termino.