Sisimulan na ang unang impeachment trial kay suspended South Korean President Yoon Suk-yeol ngayong araw ng Martes, Enero 14.
Ito ay sa gitna ng pagtimbang ng Constitutional Court kung tuluyan ng tatanggalan ng presidential duties si Yoon matapos siyang i-impeach ng Parliament kaugnay sa kaniyang panandalian at nabigong martial law declaration.
Ang unang pagdinig sa impeachment trial ni Yoon ay gaganapin mamayang alas-2 ng hapon local time o 1pm, oras sa Pilipinas. Ang sunod na mga pagdinig ay gaganapin sa Enero 16, 21, 23 at sa Pebrero 4.
Base sa mga legal expert, pagpapasyahan ng korte ang 2 isyu kung constitutional ba ang martial law declaration ni Yoon, kung mapatunayang iligal ito at kung ito ay maituturing na insurrection.
Ayon kay Atty. Kim Nam-ju, maaaring hindi na magtagal pa ang impeachment trial ni Yoon dahil karamihan sa mga indibidwal na sangkot ay na-indict na at na-establish na rin ang ilang facts kaugnay sa kaso.
Subalit batay sa legal team ni Yoon, hindi haharap ang Pangulo sa unang pagdinig dahil sa safety concerns subalit handa aniya itong humarap kalaunan kapag naplantsa na ang ilang isyu sa kaniyang seguridad.
Ikinatwiran din ng mga abogado ni Yoon na dapat gamitin ng korte ang buong 180 araw lalo na sa pagsiyasat kung ano ang nagbunsod sa pagdedeklara ng martial law.
Sa kabila naman ng inaasahang hindi pagdalo ni Yoon sa unang pagdinig, magpapatuloy pa rin ang impeachment trial laban sa kaniya.