Ipinagmalaki ngayon ng IATF ang magaganap na kauna-unahang international sports event sa Pilipinas lalo na ang 2021 FIBA Asia Cup Qualifiers sa kabila na malaking problema pa rin ang pagharap sa COVID-19 crisis.
Ayon kay testing czar Vince Dizon, ang FIBA Asia Cup Qualifiers na mangyayari sa Clark, Pampanga ay nagpapakita lamang na magandang balita sa unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ng bansa.
Iniulat din ni Dizon, na liban sa national team Gilas Pilipinas, dumating na rin ang mahigpit na karibal ng Pilipinas na South Korean team.
Samantala, kaabang abang naman ang paglalaro na rin o debut sa seniors team na Gilas Pilipinas ng higanteng si Kai Sotto at ang bagong naturalized big man na Ivorian na si Angelo Kouame.
Sa Miyerkules buwena manong makakalaban ng Pilipinas ang powerhouse team na Korea, gayundin pagsapit ng Linggo.
Sa Biyernes naman ay makikipagtuos din ang Gilas sa Indonesian team.
Isang panalo lamang ang kailangan ng Pilipinas upang umusad sa prestihiyong torneyo.