-- Advertisements --

KALIBO, Aklan—Nakapasok na ang mapaminsalang sakit ng baboy na African Swine Fever (ASF) sa isang barangay sa bayan ng Balete, Aklan.

Sa isang pulong balitaan, kinumpirma ni Aklan governor Jose Enrique Miraflores na nagpositibo ang mga blood sample na nakuha sa mga baboy mula sa Barangay Arcanghel Sur sa nasabing bayan.

Kaugnay nito, kaagad na nagpalabas ng Executive Order No. 06 series of 2023 si Balete mayor Dexter Calizo kung saan, pansamantalang ipinagbabawal ang pagpapalabas ng buhay na baboy o anumang pork products mula sa kanilang bayan.

Sa kabilang dako, positibo at kumpiyansa naman si governor Miraflores na makayanang malabanan ang panibagong hamon dahil sa posibleng lubusang maapektuhan nito ang mga hog raisers at mga negosyante ng baboy sa probinsya.

Dagdag pa ng gobernador na may quarantine border checkpoint nang inilagay sa mga entry at exit point ng lugar upang ma-contain at hindi na magkalat sa mga kalapit na barangay at bayan ang virus.

Nabatid na ang pederasyon ng mga hog raisers sa Aklan ang nagsusuplay ngayon ng baboy sa mga hotels at restaurant sa isla ng Boracay.