KALIBO, Aklan –Nakauwi na ngayong araw ang kauna-unahang pasyenteng gumaling mula sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa lalawigan ng Aklan.
Ang 81-anyos na lolo mula sa bayan ng Libacao ay nagnegatibo na sa pangalawang test.
Kasunod nito, pinayagan na siyang makalabas ng Dr. Rafael S. Tumbukon Memorial Hospital, kung saan, inabangan ng mga doctors, nurses, at iba pang staff ng ospital ang paglabas nito.
Pinalakpakan at sinaludahan din siya ng mga ito.
Na-admit siya sa naturang ospital noong Marso 20 matapos magkaroon ng lagnat at ubo, isang linggo matapos umuwi mula sa Maynila.
Pinalabas siya ng ospital kinaumagahan at inabisuhang sa bahay na lamang magpagaling.
Subalit, Marso 28, muli siyang ibinalik sa ospital matapos na magpositibo sa COVID infection ang ginawang test sa kanya.
Kahit nakauwi , isasailalim pa rin siya sa 14-day home quarantine.
Samantala, negatibo rin sa kanyang repeat test ang 37- anyos na doctor mula sa bayan ng Malay.
Naka-isolate pa rin ang naturang doctor sa Aklan training center sa Brgy. Old Buswang, Kalibo at tinatapos rin ang kanyang 14 na araw na quarantine.
Nabatid na matapos itong magpositibo sa sakit ay pansamantalang sinuspinde ang operasyon ng Boracay hospital para sa disinfection at muling binuksan noong Abril 16.