TACLOBAN CITY – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) sa Region 8 ang unang local transmission sa Eastern Visayas matapos na magpositibo sa coronavirus disease (COVID-19) ang resulta ng dalawa sa 35 swab samples na ipinadala sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu City.
Ayon kay Dra. Minerva Molon, regional director ng DOH-8, ang nasabing mga pasyente na naidagdag sa bilang ng COVID-19 positive sa rehiyon ay isang 56 at 32-anyos na mga babae na parehong nagtatrabaho sa rural health unit sa Tarangnan, Samar.
Nagkaroon aniya ang mga ito ng direktang kontak sa ikalawang positive patient sa rehiyon mula sa Calbayog City na kinumpirma ng DOH noong nakaraang mga linggo.
Ayon kay Molon, naging emosyonal umano ang mga pasyente nang malaman nila na nagpositibo ang mga ito sa COVID-19.
Dahil dito ay aabot na sa lima ang bilang ng confirmed positive patient sa Eastern Visayas kung saan kasama na rito ang isang residente sa Hernani Eastern Samar na nagpositibo sa sakit sa Metro Manila.