Nakapagtala ang Department of Health na panibagong kaso ng mpox sa bansa na unang kaso naman ng naturang sakit ngayong taon.
Ayon sa ahensya, ang pasyente ay natukoy na isang 33 year old na lalaking filipino na walang anumang travel history sa labas ng bansa bagamat mayroong intimate contact tatlong linggo bago lumabas ang sintomas.
Dahil dito, aabot na sa kabuang 10 kaso ng monkeypox ang naitala sa Pilipinas at ang pinakahuling kaso ay naiulat noong nakalipas na taon.
Batay sa datos ng ahensya, nagsimulang maramdaman ng pasyente ang sintomas ilang linggo na ang nakakalipas.
Kabilang na dito ang lagnat at sinundan ito ng rashes sa kanyang mukha, likod , batok, singit , palad at talampakan.
Dinala ang pasyente sa isang public hospital kung saan kinukuha ang mga specimen mula sa mga sugat sa balat at sinuri sa pamamagitan ng real-time polymerase chain reaction (PCR) test.
Ayon sa World Health Organization (WHO), ang mga sintomas ng mpox ay kinabibilangan ng skin rash o mucosal lesions, na sinamahan ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan, pananakit ng likod, mababang enerhiya, at pamamaga ng mga lymph node.
Kung maaalala, noong nakaraang linggo ay ideneklara ng World Health Organization ang mpox bilang global public health emergency sa ikalawang pagkakataon sa loob ng dalawang taon.
Ito ay kasunod ng muling pag-usbong ng viral infection sa Democratic Republic of Congo at kumalat na rin sa mga karatig na bansa.