-- Advertisements --

Kinumpirma na ng Bureau of Animal Industry ang unang kaso ng “Q Fever” sa bansa.

Ang naturang sakit, na pangunahing nakakaapekto sa mga baka, tupa at kambing, ay maaaring mailipat sa tao sa pamamagitan ng paglanghap ng kontaminadong alikabok.

Ayon kay Dr. Christian Daquigan, officer-in-charge ng National Veterinary Quarantine Services Division ng BAI, ang karamihan sa mga kambing na nagpositibo sa sakit ay nasa Santa Cruz, Marinduque.

Ang Q fever ay isang disease na dulot ng bacterial pathogen Coxiella burnetii, ayon sa National Institutes of Health (NIH). Ilan sa mga sintomas nito sa tao ay panginig, lagnat, muscle pain, at kapag hindi naagapan ay maaaring mapunta sa komplikasyon sa atay o puso.

Sa ngayon wala pang kinukumpirma na kaso ng q-fever sa tao.

Mahigpit na na tinututokan ngayon ng Bureau of Animal Industry ang mga hakbang para mapigilan ang pagkalat ng naturang sakit.

Na-depopulate na rin ang nasa 5 dosenang infected na kambing mula sa United States at nagpapatuloy ang tracing sa mga potentially infected animals.

Bukod pa rito, nakikipagtulungan na ang BAI sa Local Government Unit (LGU) para sa karagdagang aksyon sa loob ng Marinduque upang matiyak ang sakto at timely testing sa mga pinaghihinalaan pang kaso.

Samantala, matapos matanggap ang resulta ng PCR test, agad na ipinag-utos ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel, Jr. ang agarang tracing sa mga potensyal na nahawaang hayop at pansamantalang pagbabawal sa pag-aangkat ng mga kambing mula sa U.S. Iniutos din niya ang preventive suspension ng ilang mga tauhan ng BAI habang nakabinbin ang pagsisiyasat, pagrepaso sa BAI’s quarantine at disease control protocol, at potensyal na blacklisting ng importer ng mga infected na kambing.

Tiniyak ng Department of Agriculture sa residente ng Sta. Cruz, Marinduque na lahat ng kinakailangang tulong para mapigilan at mawakasan ang sakit ay ibibigay ng ahensya.