-- Advertisements --

Naitala ng Department of Health (DOH) ng unang kumpirmadong kaso ng tinamaan ng ligaw na bala noong holiday season.

Ang biktima ay isang 19 anyos na lalaki mula sa Davao del Norte na nasawi matapos tamaan ng ligaw na bala habang nagsasaya sa labas ng kanilang bahay.

Bunsod nito, pumalo na sa 3 ang kabuuang bilang ng nasawi noong nakalipas na selebrasyon ng Christmas at New Year.

Sa datos din ng DOH hanggang ngayong Sabado, Enero 4, pumalo na sa kabuuang 771 ang bilang ng mga biktima ng paputok. Ito ay 27.6% na mas mataas kumpara sa naitala noong nakalipas na taon.

Tumaas pa ang bilang ng mga biktima matapos madagdagan ng 39 na bagong kaso ng fireworks-related injuries noong bisperas ng Bagong Taon habang 9 na kaso ang naidagdag noong Enero 2 at 19 na bagong kaso noong mga nakalipas na araw.

Sa kabuuang bilang, may dalawang biktima na pawang mga bata na nasa edad 3 at 2 taong gulang ay aksidenteng nakalunok ng luces.

Nananatili naman ang kwitis, 5-star at boga sa pangunahing dahilan ng fireworks-related injuries kung saan nagresulta ito ng pagkasunog ng balat at seryosong kaso ng amputation o pagkaputol ng parte ng katawan.

Pangunahing mga biktima pa rin ang mga kabataan at menor de edad kayat muling paalala ng DOH sa mga magulang na bantayan ang mga bata at huwag ng gamitin pa ang mga natira o hindi pumutok na firecrackers at siguruhing may first-aid kit sakaling nagtamo ng injury dahil sa fireworks.