-- Advertisements --

Inilabas ng Vatican ang unang larawan ni Pope Francis habang ito ay nasa pagamutan pa rin ng mahigit isang buwan na.

Sa nasabing larawan ay makikita ang na nagdarasal ang 88-anyos na Santo Papa sa chapel ng Gemelli hospital sa Rome.

Makikita rin na nakasuot ng stole o ang damit ng mga pari tuwing mayroong missa.

Dagdag pa ng Vatican na ito ang unang pagkakataon na naging concelebrator o namuno sa misa sa chapel ang Santo Papa.

Nagpapatuloy ang gamutan at therapies ng Santo Papa kung saan hindi pa nila tiyak kung kailan sila papayagan ng mga doctor na makabalik na ng Vatican.

Magugunitang ang 88-anyos na Santo Papa ay itinakbo sa pagamutan noong Pebrero 14 dahil sa pneumonia.

Ito na ang itinuturing na pinakamatagal niyang pananatili sa pagamutan mula ng maupo sa puwesto 12-taon na ang nakakalipas.

Sa ipinadalang mensahe nito sa lingguhang Angelus prayer na pinasalamatan niya ang mga nagpaabot ng pagdarasal para sa agarang paggaling niya.

May ilang mga kabataan ang nagtipon sa harap ng pagamutan at nagdasal ng Angelus kung saan ilan sa kanila ang may dalang bulaklak at lobo.

Binawasan naman ng doctor ang paglalagay ng non-invasive mechanical ventilation dahil sa bumuti na ang paghinga nito.

Bagamat nasa pagamutan ay nagpakita ng senyales ang Santo Papa sa pananatili sa puwesto kung saan inaprubahan niya ang tatlong taon na reporma sa Simbahang Katolika.