Labis ang pasasalamat ni Paolo Serrano, center forward ng Philippines’s men water polo team sa mainit na suportang natatanggap ng koponan mula sa sambayanang Pilipino.
Naisalba ng 5-metre penalty goal ni Serrano sa fourth period ang Pilipinas mula sa pagkatalo kontra Indonesia na ginanap sa Aquatics Stadium sa New Clark City, Capas Tarlac.
Sinubukan naman ng Indonesia water polo team na magpasok pa ng bola sa goal upang tambakan ang Pilipinas ngunit hindi ito nakalusot sa matinding depensa.
Indonesia ang kasalukuyang may hawak ng silver medal noong 2017 Kuala Lumpur SEA Games.
Nagtapos ang laban sa score na 6-6 kung saan tabla ang dalawang koponan. Nakatakda namang magharap sa darating na Huwebes ang Team Pilipinas at Thailand.
Samantala, naghahanda naman ang Women’s water polo team ng Pilipinas upang harapin ang Singapore sa women’s double round series kung saan gold at silver medal lamang ang pag-aagawan.
Magtutuos ang dalawang koponan sa loob ng pool mamayang alas-diyes ng umaga.
Umaasa umano si National women’s coach Aldo Tong na masusungkit ng koponan ang isa sa mga medalya lalo na at aabangan na bumandera ang Fil-Am twins na sina Haden at Kieran Bates.