Naitala ng Department of Health (DOH) ang unang nasawi na iniuugnay sa paggamit ng vape.
Kinumpirma ni Health Assistant Secretary Albert Domingo na isang 22 anyos na lalaki ang nasawi dahil sa heart attack na sinundan ng severe lung injury na iniuugnay sa paggamit nito araw-araw ng vape sa loob ng 2 taon.
Ang naturang biktima ay wala umanong comorbidities na isinugod sa emergency room noong 2023.
Ito ay base sa isinagawang research study na inilathala sa Respirology case reports journal ng Asian Pacific Society of Respirology ni Dr. Margarita Isabel Fernandez at ilang mga doktor ng Philippine General Hospital.
Base pa sa pag-aaral, nagkaroon ng 2 araw na histroy ng sudden onset severe chest pain ang biktima matapos ang sports activity. Nakaranas din ito ng isang linggong history ng productive cough, hemoptysis, fever at vomiting.
Sinabi din ni ASec. Domingo na nabarahan ang 2 arteries ng puso ng biktima.
Nakasaad din sa pag-aaral na itinanggi umano ng biktima na mayroon siyang history ng cigarette smoking, alcohol intake o illicit drug use. Wala ding prior infection ang pasyente sa covid-19.
Kaugnay nito, nagbabala ang DOH official na tumataas ang panganib ng acute myocardial infarction at stroke dahil sa paggamit ng e-cigarettes.
Bilang tugon, target ng DOH na itaas ang legal age ng gumagamit ng vape mula sa 18 hanggang 21 anyos sa pamamagitan ng pag-amyenda sa Vape Law at pagsasabatas ng Tobacco Illicit Trade Bill alinsunod sa WHO Framework Convention on Tobacco Control (WHO FCTC) standards.