DAVAO CITY – Sisimulan na ang konstruksyon ng Mindanao Railway Project sa unang bahagi ng 2023.
Base sa report ng Panabo City Information Office, nagpulong na ang ang mga komitiba ng Resettlement Planning and Implementation, Site Selection and Development para sa pagpapatupad ng nasabing proyekto na may taas na 100.2 kilometers.
Sinabi rin ng Department of Transportation (DOTr) na asahang sa nasabing panahon ay ipapatupad ang pagpapa-unlad at pagsasaayos ng resettlement site na lilipatan ng mga residenteng maaapektohan ng MRP.
Kabilang rito ang 91 pamilya na informal settlers mula sa mga Barangay ng Datu Abdul, Little Panay, Maduao, New Visayas, Quezon, Southern Davao at Barangay Tagpore; kung saan ililipat sila sa relocation site sa Barangay Maduao, Panabo City.
Kabilang sa pinag-usapan sa nasabing pagpupulong ay ang paglikha ng Local Inter-Agency Committee at mga resolution na kinakailangan sa pagsisimula ng nasabing proyekto ng siyudad sa pangunguna ni Panabo City Mayor Jose Relampagos.
Ang nasabing proyekto ay nahahati sa tatlong phases na magkokonekta sa iilang parte ng Mindanao.
Ang Tagum-Davao-Digos stretch ng MRP Phase 1 ay mayroong distansyang 105 kilometers na magpapadali sa pagbyahe mula Davao del Norte hanggang Davao del Sur sa loob lamang ng sobra isang oras mula sa tatlo’t kalahating oras na travel time.
Mayroon din itong walong stops na makikita sa Tagum, Carmen, Panabo, Mudiang, Davao Terminal, Toril, Sta. Maria at Digos City.
Kung maalala, nangako si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang pinakaunang SONA na tatrabahuin ang plano para sa MRP sa kanyang termino kung saan ay kanyang inatasan ang DOTr na ituloy ang mga loan negotiations kasama ang China upang mapondohan ang nasabing proyekto bilang bahagi ng Build, Build, Build Program ng administrasyong Duterte.