-- Advertisements --

Isasagawa sa Nobyembre ang unang pag-review sa EO no.62 ni PBBM na nag-aatas ng pagtapyas sa taripa ng mga inaangkat na bigas mula sa kasalukuyang 35% pababa sa 15%.

Ayon kay Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., napapanahon ang magiging pagrepaso dahil sa posibleng magsisimula na sa buwan ito ang pagbaba ng presyo ng bigas sa world market, dala na rin ng tuluyang pagtanggal ng India sa export ban sa bigas.

Maaari aniyang irekomenda muli ng DA ang pagtaas sa taripa ng inaangkat na bigas sa isasagawang review, pero ito ay kung bababa ang presyuhan ng mula P42 hanggang P45 per kilo.

Batay sa monitoring na isinagawa ng DA sa mga pamilihan sa National Capital Region nitong Lunes, ang local well-milled rice ay nabibili mula P48 hanggang P55 kada kilo habang ang regular milled ay mula P48 hanggang P52 kada kilo.

Sa imported rice, ang well-milled ay mula P52 hanggang P55 kada kilo habang ang regular milled ay nabibili mula P48 hanggang P51 kada kilo.

Sa Hulyo-6 ay magiging epektibo na ang EO-62 ni PBBM.

Gayunpaman, una nang sinabi ng ilang grupo ng mga magsasaka na maghahain ang mga ito ng temporary restraining order (TRO) bago pa man ito maging epektibo.