Naitala ng Amerika ang unang taong nasawi sa bird flu.
Kinumpirma ito ng mga awtoridad sa Louisiana nitong Lunes, oras sa Amerika.
Bagamat mayroon din aniyang underlying medical conditions ang nasawing pasyente na nasa edad mahigit 65 anyos na.
Naospital ito dahil sa naramdamang respiratory ailment at ito ang unang seryosong kaso ng human infection ng H5N1 virus na na-detect sa US.
Nagbunga naman ng alarma sa Amerika ang posibleng outbreak ng bird flu pandemic ang pag-anunsiyo sa kritikal na kondisyon ng naturang pasyente noong kalagitnaan ng Disyembre 2024 na may kapareho ding mga kasong naitala sa iba pang parte ng mundo.
Sa isang statement, inihayag ng Louisiana Department of Health na nakuha ng pasyente ang naturang sakit matapos na ma-expose sa kombinasyon ng non-commercial backyard flock at wild birds.
Sa kabila naman aniya ng unang fatality case sa Amerika, nananatiling mababa ang banta ng bird flu sa kalusugan ng publiko at wala aniyang na-detect na human-to-human transmission.