Sinimulan na ang unang paglilitis sa war crimes ng Russia mula ng sumiklab ang giyera sa Ukraine.
Humarap sa preliminary hearing sa Kyiv ang isang sundalong Ruso na si Sgt. Vadim Shishimarin na inakusahang pumatay ng inosenteng sibilyan na posibleng maharap sa panghabambuhay na pagkakakulong kapag mahatulang guilty.
Ayon sa Ukraine prosecutors, nagmamaneho noon ang Russian soldier ng isang nakaw na sasakyan kasama ng iba pang sundalo ng Russia sa may north eastern Sumy region nang makasalubong nito ang isang 62 anyos cyclist na gumagamit ng cellphone.
Inutusan aniya ang naturang sundalo na barilin ang sibilyan para mapigilan ang sibilyan na maiparating sa Ukrainian defenders ang kanilang lokasyon.
Sa ngayon, pinatawag ang Russian soldier para kumpirmahin ang ilang basic details subalit nakatakda pa itong magsumite ng kaniyang plea o sagot sa paratang laban sa kaniya at ipagpapatuloy ang trial sa susunod na linggo.
Nauna ng isiniwalat ng Ukraine officials na libu-libong potential war crimes ang kanilang nadiskubre na kagagawan ng Russia subalit makailang ulit din na itinatanggi ng Russia na kanilang tinatarget ang mga sibilyan at hindi pa naglalabas ng komento hinggil sa naturang trial.