-- Advertisements --

Sisilipin ng Metropolita Waterworks Sewerage System (MWSS) ang mga ulat hinggil sa unannounced water service interruptions sa ilang lugar sa Metro Manila sa mga nakalipas na araw.

Sinabi ni MWSS administrator Reynaldo Velasco na sisilipin nila ang issue na ito dahil dapat nag-aabiso ang mga water concessionaires bago magpatupad ng water service interruptions.

Bukod sa usapin na ito, sinabi rin ni Velasco na ang MWSS, sa pamamagitan ng Regulatory Office nito, ay titiyakin ding wastong naipapatupad ang inilalabas na water service advisories.

“Kung hindi kasi tama yung announcement mo, yung tao mag-iipon ng sobra dun sa pangangailangan within that period na walang tubig. Dito nadi-deplete yung ating mga tubig sa reservoir. Dito naapektuhan ang pressure,” ani Velasco.

Nauna nang hinimok ng National Water Resources Board (NWRB) ang publiko na magtipid ng tubig dahil malapit nang umabot sa critical level ang reserves level sa Angat Dam.