-- Advertisements --
DOE alfonso Cusi
Enegy Secretary Alfonso Cusi

Binaliwala lamang ng Department of Energy (DOE) ang hakbang ng mga oil companies na pigilan ang kanilang kautusan na magkaroon ng breakdown o unbundling ng presyuhan ng langis.

Ang naturang bagong polisiya ay magiging epektibo na sa darating na Sabado.

Ayon kay Enegy Secretary Alfonso Cusi, iginagalang nila ang inihaing petisyon dahil karapatan daw ito sa ilaim ng demokratikong proseso.

Kabilang sa nagsampa ng petisyon ang major oil player na Pilipinas Shell Petroleum Corp. (PSPC) sa Taguig Regional Trial Court (RTC) upang kwestyunin ang legalidad ng ng bagong oil unbundling policy sa ilalim ng Department Circular 2019-05-008.

Una rito maging ang Total Philippines Corp., Philippine Institute of Petroleum Inc. (PIP), Isla LPG Corp. at PTT Philippines Corp. ay naghain din ng petition for declaratory relief at paghiling na rin ng temporary restraining order (TRO) at writ of preliminary injunction sa Makati RTC.

Ang grupo ng PIP ay kinabibilangan ng mga independent oil firms tulad ng Chevron Philippines Inc., PSPC, Isla LPG Corp., Petron Corp., Total Philippines Corp., at PTT Philippines Corp.

Batay sa dahilan ng mga oil companies ang nabanggit na circular ay hindi umano malinaw, imposibleng masunod ang breakdown ng oil prices at paglabag din daw sa tinatawag na Downstream Oil Industry Deregulation Act.

Para naman sa DOE tuloy ang schedule sa implementasyon sa June 29 ng breakdown sa presyuhan ng langis hangga’t hindi ito pinipigil ng korte.

Layon kasing malaman ng Energy department na makita ang import costs ng mga oil companies, ang ibinabayad na buwis, biofuel costs, ang tinatawag na oil company components at iba pa kung bakit nagkakaroon ng pabago-bagong presyo ang krudo.