-- Advertisements --

Puspusan na sa paghahanda ang Filipino undefeated boxer na si Mark “ Magnifico” Magsayo sa kanyang nalalapit na laban kay Junior Olympian Jose Haro. Excited na rin ito dahil ito ang kanyang unang laban sa ilalim ng MP Promotions.

Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa Tagbilaran, Bohol native boxer, ikinagalak nito na matutuloy na ang kanyang laban sa kabila ng pandemya. Ibinubuhos rin umano nito ang kanyang oras sa pag-eensayo at hinihintay na lamang ang official weigh-in para sa naturang laban.

“Masayang masaya ako kasi matutuloy na ang laban ko tsaka iyong makakalaban ko hindi basta basta kasi Olympian champion siya, hindi natin i-underestimate iyon. Ready na ako at timbang na lang ang kukunin. Maganda iyong pagtatraining namin ni coach Freddie at ng conditioning coach ko si Justin Fortune tsaka si coach Marvin Samudio. Ready na kami sa laban, hindi naman mahihirapan pero macha-challenge kami.”

Nagtungo ang team ni Mark sa Los Angeles, California noong nakaraang buwan upang magtraining sa Wild Card Gym sa pangunguna ng kanyang coach na si Freddie Roach.

Sa kasalukuyan, ang Pinoy boxer ay may dalawampung panalo at wala pang talo, na kung saan labing-apat dito ay knockout at ang anim ay by unanimous decision.

Ang inaasahang pagtutuos nina Mark Magsayo at Jose Haro ay gaganapin sa ika-23 ng Setyembre sa Los Angeles, California.