Tinaguriang “King of Asia” sa kanyang division ang new International Boxing Federation Asia Super Featherweight Champion at undefeated Pinoy boxer na si Charly Suarez matapos nitong talunin ang Indonesian boxer na si Defry Palulu sa ginanap nitong na laban sa Vietnam. Natapos ang laban sa pamamagitan ng technical knockout sa pagsisimula ng ikatlong round kung saan pinahinto ng referee ang laban matapos magtamo ng eye injury si Palulu.
Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa 34-year-old Pinoy boxer, ibinahagi nito ang kanyang kagalakan matapos matamo ang tatlong titulo sa kanyang pagbo-boxing at sinabi nito kung ano ang sunod na plano matapos ang matagumpay na laban sa Vietnam.
“Masaya po dahil binigay po sa atin at nakuha ang tagumpay, at natapos ang laban na walang anumang injury na nangyari sa akin. Sa belt, kahit sinong nasa IBF at WBA [ang kakalabanin ko]. Hangad ko na makuha ang belt [nila]. Ready lang ako at sana walang injury na mangyari sa akin.”
Ito na ang ikalawang Asian title na nakuha ni Suarez sa taong ito, matapos makamit ang WBA Asia Super Featherweight belt noong Marso. Siya rin ang may hawak ng Philippine Super Featherweight belt.
Malinis ang record ni Suarez kung saan meron na itong 14 panalo, 8 knockouts at hindi pa nakakalasap ng pagkatalo.