-- Advertisements --

workers employees company firm vax vaccination

Nababahala ang Department of Labor and Employment (DOLE) kaugnay sa mga ulat tungkol sa underemployment at mababang kalidad ng mga trabaho sa Philippine Statistics Authority (PSA) September 2022 Labor Force Survey (LFS).

Inihayag ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma, nagdulot sa kanila ng pag-alala ang dalawang bagay na kinabibilangan ng underemployment at ang kalidad ng trabaho.

Aniya, nakikita nila na karamihan sa mga oportunidad sa trabaho o employment na ina-avail ng mga manggagawa ay nabibilang sa mas mababang mga kasanayan at kategoryang mababa ang suweldo.

Tiniyak naman ni Laguesma na ang ahensiya ay naghahanap ng full time, secured, at remunerative na trabaho para sa mga manggagawang Pilipino.

Sinabi ni Laguesma na iniutos ni Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos ang isang whole-of-government approach sa paghawak ng mga isyu sa paggawa, isinasaalang-alang ang iba pang mga kadahilanan na nakakaapekto sa mga manggagawa, kabilang ang inflation.

Idinagdag niya na gagawa ang kagawaran sa pagpapasimple ng mga employment rules, accessible labor market, at school-to-work transition.

Batay sa talakayan ng DOLE sa information technology at business process industries, sinabi ni Laguesma na may mga bakanteng trabaho dahil sa hard-to-fill, in-demand, at mga umuusbong na trabaho.

Aniya, tinututukan ng DOLE at ng Technical Education And Skills Development Authority (TESDA) ang pagtugon sa mga gaps na ito.