CEBU CITY – Binigyang-diin ng bise-alkalde ng Cebu City na may magagawa ang lokal na pamahalaan upang matugunan ang umano’y underreporting sa mga kaso sa COVID-19 sa lungsod.
Ito’y matapos na kinumpirma ng City Health Department na may umano’y delay sa reported deaths ng COVID-19 sa siyudad dahil na-hold umano ng ilang mga pagamutan ang death certificate ng pasyente habang pending pa ang hospital bills nito.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo kay Vice Mayor Michael Rama, sinabi nito na nag-aalala rin ang mga may-ari ng mga pagamutan sa lungsod dahil umano sa kakulangan ng income.
Dahil dito, tiniyak ni Rama na bibigyan nila ng agarang aksyon kung magtutulungan ang mga pagamutan sa lokal na pamahalaan.
Samantala, iminungkahi naman ng bise-alkalde na magkaroon ng “COVID Hour” ang mga himpilan ng radyo upang pag-usapan ang pandemya at mga hakbang mula sa kaukulang ahensya.
Ito’y upang malaman ng mamamayan ang epekto ng COVID-19 sa lahat ng panahon.
Batay sa record mula sa City Health Department, nasa 4,412 na ang nahawaan ng naturang virus kung saan 2,104 na ang gumaling at 81 na ang namatay.