Nakatakdang magsagawa ng “underwater flag raising” ceremony ang mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Department of National Defense (DND) sa Philippine Rise o ang dating Benham Rise.
Ito ay kaugnay ng nalalapit na pagdiriwang ng 119th Independence Day sa Lunes, June 12.
Ayon kay Northern Luzon Command Spokesperson Lt. Col. Isagani Nato, sisisid ang mga divers ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard, Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), at maging ang mga volunteer divers kabilang ang ilang dayuhan upang itayo ang bandila ng bansa sa “underwater plateau” ng Philippine Rise.
Matatagpuan ito sa pagitan ng karagatan ng Aurora at Isabela.
Dagdag pa ni Nato na ang ikalawang bahagi ng aktibidad ay ang pagbisita naman ni DND Secretary Delfin Lorenzana at iba pang mga opisyal ng pamahalaan na magsasagawa ng ship deck flag raising ceremony lulan naman ng BRP Davao del Sur, (LD602) ang pinakabago at pinakamalaking barkong pandigma ng Philippine Navy sa darating na June 15.