-- Advertisements --

Nakakakita ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng unti-unting pagbaba sa bilang ng mga Pilipino na walang trabaho ngayong taon.

Batay sa ulat ng PSA, bumaba na sa 7.1 percent noong Marso 2021 ang unemployment rate sa bansa, katumbas ito ng 3.44 milyong Pinoy na walang hanapbuhay. Ito na ang pinakamababang unemployment rate na naitala simula noong ipatupad ang enhanced community quazrantine (ECQ) noong Abril 2020.

Noong Pebrero kasi ay naitala sa 8.8 percent o 4.2 milyon sa mga kababayan natin ang walang pinagkakakitaan. Bahagyang mas mataas ito noong Enero 2021 na nasa 8.7 percent lang.

Patuloy din ang pagtaas sa labor market ngayong taon kasunod ng unti-unting pagbubukas ng ekonomiya ng bansa habang umiiral ang minimum health standards.

Dahil sa tumataas na labor force participation at pagbaba ng unemployment rate sa Pilipinas ay nagbigay daan ito sa milyun-milyong Pilipino na makabalik sa trabaho at kumita.

Mula naman sa 18.2 percent underemployment rate noong Pebrero 2021 ay naitala na ito ngayon sa 16.2 percent, sumasalamin ito sa gumagandang kalidad ng mga trabaho sa bansa.

Nakadagdag pa rito ang dumadaming Pinoy na bumabalik sa labor force dahil umabot na ng 65 percent mula 63 percent ang labor force participation rate, dahilan para sa net job creation ng 2.2 milyong Pilipino noong Pebrero hanggang Marso.